16 BOGA, NAKUMPISKA SA BRGY. TAGARAN

Cauayan City, Isabela — Labing-anim na boga ang nakumpiska ng mga opisyal sa Purok 7, Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela.

Ayon kay Brgy. Kagawad Daniel Acob, ang mga nagmamay-ari ng mga nakumpiskang boga ay pawang mga menor de edad na nasa edad pito hanggang labindalawang taong gulang.

Ibinahagi niya na ikinababahala ng kanilang hanay ang talamak na paggamit ng mga ito, lalo na’t noong nakaraang taon ay isang pitong taong gulang ang nasugatan matapos sumabog ang boga sa kanyang mata.


Nagsimula ang pagbibigay-babala ng barangay noong Disyembre 20 matapos dumagsa ang mga reklamo ng mga residente hinggil sa perwisyo ng mga boga, partikular na sa mga bagong silang na sanggol at matatandang residente.

Layunin ng hakbang na ito na mailayo ang mga bata sa anumang panganib na dulot ng boga, higit pa ngayon na mahal ang gastusin sa ospital.

Samantala, muling nanawagan si Kagawad Acob sa mga magulang at guardian na bantayan ang kanilang mga anak at huwag hayaang gumamit ng anumang uri ng paputok upang maiwasan ang mga posibleng aksidente.

Facebook Comments