Cauayan City, Isabela- Nadagdagan pa ng 16 na kaso ng Delta variant ang Cagayan Valley matapos lumabas ang resulta sa isinagawang pagsusuri ng Philippine Genome Center.
Ito ang kinumpirma ng Department of Health Region 2 kung saan 13 dito ay mula sa Isabela, 2 sa Cagayan at 1 sa Nueva Vizcaya.
Matatandaan na unang kinumpirma ang kauna-unahang kaso ng Delta variant sa region 2 matapos maitala sa sa Solano, N. Vizcaya.
Sa ulat ng Department of Health, 177 ang kabuuang naidagdag sa kaso ng Delta variant sa bansa kung saan 144 ang local cases, tatlo ang Returning Overseas Filipinos (ROF), at 30 cases naman ang kasalukuyan pang bineberipika kung local o ROF cases.
Bukod dito, nakapagtala na rin ng walong kaso ng Delta variant ang Ilocos Region, dalawa sa Cordillera Administrative Region, dalawa rin sa Western Visayas at isa sa Davao Region.
Base sa case line list, 173 ang nakarekober na, isa ang namatay at tatlo naman ang bineberipika pa kung saan 627 na ang kabuuang kaso ng Delta variant sa bansa.