Pormal na sinimulan ang Inter-Agency Olympics sa isang makulay at masiglang opening ceremony na dinaluhan ng 16 na koponan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga business establishment sa Alaminos City.
Ang aktibidad ay naglalayong isulong ang pagkakaisa, pagtutulungan, at sportsmanship sa hanay ng mga kalahok sa pamamagitan ng palakasan at iba’t ibang kompetisyon.
Naging tampok sa pagbubukas ng palaro ang makulay na parada ng mga koponan, kung saan ipinakita ng bawat grupo ang kani-kanilang sigla, disiplina, at pagkakakilanlan. Pinukaw rin ang interes ng mga manonood sa inaabangang pasiklaban ng mga muses at adonis ng bawat koponan, na sinundan ng isang masiglang group dance competition na nagpakita ng husay, talento, at pagkakaisa ng mga kalahok.
Ang mga aktibidad na ito ay nagsilbing paunang hudyat ng serye ng mga palaro at paligsahan na gaganapin sa mga susunod na araw, na inaasahang magpapalakas pa ng samahan at magandang ugnayan ng mga kalahok mula sa iba’t ibang sektor.
Ang matagumpay na opening ceremony ay naisakatuparan sa pangunguna ng City Youth and Sports Development Office, na nag siguro ng maayos, makabuluhan, at masiglang pagsisimula ng Inter-Agency Olympics ngayong taon.










