
Kinuwestiyon ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ng Chinese Embassy hinggil sa umano’y pagtaas ng krimen sa bansa, lalo na laban sa mga Chinese national.
Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) Chief PBGen. Randulf Tuaño, bumagsak sa 22,646 kaso ang krimen ngayong taon o katumbas ng 16.40% na pagbaba kumpara sa 27,090 kaso noong nakalipas na taon.
Kabilang dito ang 21 na kaso ng kidnapping na pawang Chinese laban sa kapwa Chinese ang sangkot.
Ayon pa kay Tuaño, inatasan na ni acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang director for intelligence na makipag-ugnayan sa Chinese Embassy upang makuha ang detalye ng kanilang pahayag.
Dagdag pa ng Pambansang Pulisya idadaan nila sa tamang proseso ang pakikipag-ugnayan sa embahada ng Tsina upang maiwasan ang anumang hindi pagkakaintindihan kaugnay sa usapin ng krimen sa bansa.









