Naaresto ng mga tauhan ng Taguig City Police Station ang 16 na quarantine violators makaraang isumbong sila ng isang netizen sa Facebook Page ng Joint Task Force COVID Shield.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration at JTF COVID Shield Commander Lt. General Guillermo Eleazar, ang mga suspek ay nakunan ng litrato ng netizen na nag-iinuman sa kalye sa isang birthday celebration noong gabi ng September 12.
Matapos i-post ang mga larawan sa kanilang FB page, agad inutos ni Eleazar sa mga tauhan ng Hagonoy Police Sub-Station 9 sa Bicutan, Taguig na puntahan ang lugar.
Nahuli sa akto ang mga suspek na nag-iinuman na walang face masks at hindi sumusunod sa social distancing sa Aguirre Street sa Barangay Lower Bicutan.
Ang mga suspek ay dinala sa barangay holding area at pinauwi rin matapos i-proseso, pero kakasuhan sila ng paglabag sa Taguig City Ordinance o ang drinking in public places at Resistance and Disobedience to a Person in Authority.
Sinabi pa ni Eleazar na ang pagkakahuli sa mga quarantine violators sa pamamagitan ng sumbong ng netizens ay patunay na epektibong law enforcement tool ang social media.
Hinikayat naman ni Eleazar ang mga netizens na patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagpapatupad ng mga health protocols sa pamamagitan ng pag-report sa mga lumalabag sa quarantine protocols.