
Abot sa 160 na menor de edad ang nailigtas ng DSWD Field Office 3 – Central Luzon mula sa pang-aabuso ng isang child care facility na pinatatakbo ng New Life Baptist Church Inc., sa Mexico, Pampanga.
Isinilbi ng DSWD ang isang Cease and Desist Order (CDO) sa New Life Baptist Church Inc., sa Mexico, Pampanga matapos makumpirma ang mga pang-aabuso sa mga bata at dahil sa paglabag sa mga regulasyon ng DSWD.
Arestado ang pastor nito na si Jeremy Ferguson, isang American national.
Hihilingin na rin ng DSWD na ilagay sa hold departure order ang dayuhang pastor.
Ayon kay Asec. Janet Armas, head ng regulatory services ng DSWD, batay sa reklamo ng mga magulang, nagsimba lang ang kanilang mga anak pero, hindi na umano pinauwi ang mga bata.
Pero, sa halip umano na arugain, minamaltrato ang mga bata.
Walong mga bata ang nakitaan ng mga sugat na dulot ng pagkadena sa kanila.
Inilipat na sa child care facility ng DSWD sa Lupao, Pampanga ang 160 na na-rescue na mga bata na sumasailalim na sa psycho social processing.
Dahil sa pangyayari, maghihigpit na ang DSWD sa pagbibigay ng accredidation sa mga Social Welfare and Development Agency o SWADA.









