600 pamilya sa Barangay Laiban, Tanay, Rizal, nahatiran ng relief goods ng isang grupo ng maggugulay

Nagsagawa ng relief operation ang Vegetable Importers, Exporters and Vendors Association (VIEVA) Philippines, Inc. sa Barangay Laiban sa Tanay, Rizal.

Ang Barangay Laiban ay isa sa mga liblib na lugar sa lalawigan na nasalanta rin ng bagyong Ulysses noong Nobyembre.

Ayon kay VIEVA Philippines, Inc. president Leah Cruz, nasa 600 pamilya ang nabigyan nila ng relief goods na naglalaman ng limang kilo ng bigas, kumot at iba pang grocery items.


Pero bukod sa pagkain, nangangailan din ang mga taga-Laiban ng mga materyales para maayos ang mga bahay nilang sinira ng bagyo.

Nagpasalamat naman si Cruz sa mga opisyal ng barangay at mga pulis na tumulong sa kanila na maihatid ang mga relief goods sa Barangay Laiban.

Samantala, sa Sabado, sunod na pupuntahan ng VIEVA ang Bicol Region para maghatid ng tulong sa 10,000 pamilyang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.

Target din nilang magsagawa ng relief operations sa Marinduque at Mindoro.

Facebook Comments