162 HEIs, pinayagan sa face-to-face classes sa lahat ng degree programs sa ilalim ng Alert Level 2

Aabot sa 162 na mga Higher Education Institutions (HEIs) ang binigyang pahintulot ng Commission on Higher Education (CHED) na magsagawa ng limitadong face-to-face classes sa ilalim ng Alert Level 2 System.

Matatandaang nag-isyu noong Pebrero ang Department of Health (DOH) at CHED ng joint memorandum circular para sa guidelines sa unti-unting pagbubukas ng mga campuses.

Sa briefing ng Committee on Higher Education, binanggit sa presentasyon ng CHED na sa 162 HEIs na binigyang otorisasyon para sa limitadong face-to-face classes ay 7% lamang ng 2,241 HEIs sa buong bansa.


Aabot sa kabuuang 378 na degree programs o kurso sa mga HEIs ang pinayagang magbukas para sa pagbabalik-eskwela ng mga college students.

Sa inaprubahang guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) pinapayagan ang pagsasagawa ng face-to-face classes mula Alert Level 3, 2 at 1.

Sa National Capital Region (NCR) na nasa Alert Level 2, 50% ang pinapayagan para sa indoor venue capacity at para lamang ito sa mga fully-vaccinated individuals habang 70% naman ang pinapayagan kapag outdoor venue capacity, sa parehong fully-vaccinated at hindi pa bakunado.

Sinabi naman ni CHED Chairperson Prospero de Vera na posibleng i-require nila ang regular na RT-PCR o antigen test sa mga estudyanteng hindi pa bakunado ngunit ito ay pinag-aaralan pa dahil malaking problema rito ang gagastusin ng pamahalaan.

Kinakailangan naman ng consent mula sa estudyante at sa magulang sakaling ipatupad na ang face-to-face classes sa HEIs.

Facebook Comments