Naghatid ng libreng dental services ang Dental Bus ng City Health Office sa Colegio Anunciata Inc. sa Brgy. Talang noong ika-24 ng Pebrero, bilang bahagi ng patuloy na kampanya para sa kalusugan ng kabataan. Umabot sa 162 mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 10 ang nakinabang sa nasabing programa.
Isinagawa sa aktibidad ang dental check-up, oral assessment, at pagbibigay ng payo kaugnay sa wastong pangangalaga ng ngipin. Nabigyan din ng gabay ang mga mag-aaral hinggil sa tamang pagsisipilyo, kahalagahan ng regular na dental visit, at pag-iwas sa mga pagkaing maaaring makasira sa ngipin. Sa pamamagitan nito, mas napaigting ang kamalayan ng mga kabataan sa pagpapanatili ng maayos na oral hygiene.
Ayon sa City Health Office, mahalagang maagang matukoy ang mga suliraning dental upang agad itong matugunan at maiwasan ang mas malalang kondisyon. Bahagi rin ito ng mas malawak na layunin ng lokal na pamahalaan na ilapit ang mga serbisyong medikal at dental sa mga paaralan at komunidad.
Patuloy ang pagsasagawa ng mga kahalintulad na programa upang matiyak na ang bawat batang mag-aaral ay may akses sa serbisyong pangkalusugan—isang mahalagang hakbang tungo sa mas maliwanag, mas malusog, at mas produktibong kinabukasan.








