Aabot sa 162 na mga kongresista ang nagparating ng kanilang suporta para sa isinusulong na Bayanihan 3 nila House Speaker Lord Allan Velasco at Marikina Rep. Stella Quimbo sa kabila ng pagiging malamig dito ng Palasyo.
Ang mga kongresistang nagpaabot ng suporta sa Bayanihan 3 o Bayanihan to Arise as One Act ay mula sa supermajority, minority at independent blocs sa Kamara.
Ayon kay House Deputy Speaker Kristine Singson-Meehan, tama lamang na suportahan ang Bayanihan 3 dahil ito ay pinag-aralan at tiyak na makatutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Aniya pa, ‘well-targeted’ ang mga benepisyaryo ng Bayanihan 3 kaya’t masisigurong hindi masasayang ang pondo.
Para naman kay Deputy Speaker Bernadette Herrera, ang pinakabagong bersyon ng Bayanihan Law ay nagbibigay ng komprehensibo at integrated na estratehiya para sa mabilis na economic recovery.
Dagdag ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, napapanahon ang Bayanihan 3 lalo pa’t naitala ang 9.5% contraction o pagbaba ng Gross Domestic Product (GDP) kaya hindi na dapat magdalawang-isip ang mga kongresista na suportahan at bumoto pabor dito.
Sa ilalim ng panukalang Bayanihan 3, aabot sa ₱420 bilyon ang pondo na layong gamitin sa COVID-19 response at recovery.