Manila, Philippines – Ikakasa na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang imbestigasyon sa 16,000 malalaking kumpanya na umano’y hindi nagbabayad ng tamang buwis sa pamahalaan.
Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda, ang mga kumpanyang ito ay hindi muna isinapubliko dahil sa gagawing pagbusisi ng Kongreso.
Sinabi ni Salceda na posibleng sangkot sa technical smuggling ang mga kumpanya na ginagamit ang super green lane ng Bureau of Customs o BOC.
Dahil sa pagdaan ng mga importers sa super green lane ng BOC ay mabilis na nakakapasok sa bansa ang kanilang mga produkto na hindi dumadaan sa tamang inspeksyon at hindi nakakapagbayad ng tamang buwis.
Mahaharap naman ang mga kumpanya sa kaso ng paglabag sa Foreign Corrupt Business Practices Act na sakop ng US at European Union.