Cauayan City, Isabela- Kasalukuyang naka-isolate at nagpapagaling ang 17 na COVID-19 Positive sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City, Cagayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, medical chief ng CVMC, nasa 17 pa na mga positibo sa COVID-19 ang naka isolate sa pinamumunuang ospital at 8 sa mga ito ay mula sa Cagayan habang ang 9 ay mula sa Isabela.
Aniya, pawang mga asymptomatic o walang ipinapamalas na sintomas ng COVID-19 ang mga pasyente at sila ay nasa maayos na kondisyon.
Kinakailangan aniyang ma isolate ang mga ito sa isolation area para hindi kumalat ang virus at hindi makahawa sa ibang tao.
Hinihintay na lamang aniya ng mga ito na magnegatibo sa ikalawang swab test at matapos ang itinakdang araw para sa kanilang quarantine bago makalabas ng ospital.
Hiniling ni Dr. Baggao na huwag sanang pandirihan ang mga nagpopositibo sa COVID-19 dahil hindi naman aniya nila ito kagustuhan na makapitan ng virus.
Paalala rin nito sa publiko na sundin ang mga safety/health protocols, manatili lamang sa tahanan kung hindi kinakailangang lumabas, laging magsuot ng protective mask kung lalabas at makipag-usap sa iba, obserbahan ang physical distancing upang maiwasang mahawa at makahawa sa iba.