17 ‘kondisyon’ ni Quiboloy bago humarap sa Senado, tinabla ni Sen. Hontiveros

Tinabla ni Senator Risa Hontiveros ang kumakalat sa social media na diumano’y 17 kondisyon ni Pastor Apollo Quiboloy bago ito humarap sa pagdinig ng Senado.

Kabilang sa mga sinasabing kondisyon ni Quiboloy bago humarap sa imbestigasyon ng komite ni Hontiveros ay ang pagtanggal sa suot na mask at pagpapakita sa mukha ng mga testigo, pagkwestyon o pag-cross examine sa mga witnesses kabilang ang senadora ng walang time limit, pagsagot ng komite sa lahat ng gagastusin ng entourage ni Quiboloy kabilang ang sasakyang private jet na may parking sa NAIA at ang 5-star hotel na tutuluyan.

Giit ni Hontiveros, sakali mang totoo ito ay ngayon lang siya nakakita ng isang inimbita sa pagdinig na may kapalit na kondisyon ang pagharap sa Senado.


Sinabi pa ng senadora na ang 17 ‘out of this world’ na mga kondisyon ay dinaig pa ang Sampung Utos ng Diyos.

Magkagayunman, agad namang itinanggi ng kampo ni Quiboloy ang nasabing mga kondisyon kung saan sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni Quiboloy, walang ganitong mga demands ang pastor.

Facebook Comments