Thursday, February 12, 2026

17 Metro Manila Mayors, nagpulong sa Malacañang para sa maayos at transparent na paggamit ng LGU fund

Nagpulong sa Malacañang sina Executive Secretary Ralph Recto at ang 17 alkalde ng Metro Manila upang tiyakin ang maayos na paggamit ng pondo para sa mga lokal na pamahalaan.

Sa pulong, tinalakay ang implementasyon ng 2026 Local Government Support Fund o LGSF, na may pinakamalaking alokasyon sa kasaysayan para sa mga local government unit (LGU).

Inihanay rin ang mga prayoridad ng pambansa at lokal na pamahalaan upang masigurong tumutugon ang mga proyekto sa aktuwal na pangangailangan ng bawat lungsod.

Kabilang sa mga uunahin ang imprastraktura at mga serbisyong panlipunan na may agarang pakinabang sa komunidad.

Ayon kay Recto, ipinapakita nito ang layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maihatid ang benepisyo ng pag-unlad hanggang sa bawat barangay, bayan at lungsod.

Binigyang-diin din ng kalihim na dapat episyente at transparent ang paggamit ng pondo upang maiwasan ang aksaya at matiyak na direktang napapakinabangan ito ng mga mamamayan.

Nagpahayag naman ng suporta ang mga alkalde sa development agenda ng administrasyon at nagpasalamat sa mas malaking pondong inilaan sa kanilang mga nasasakupan.

Facebook Comments