17 opisyal ng AFP, kinumpirma ng Commission on Appointments

Kinumpirma ng Commission on Appointments o CA ang ad interim appointments ng 17 general at flag officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Bago lumusot sa CA plenary ay sumalang muna sila sa confirmation hearing ng CA Committee on National Defense na pinamunuan ni Representative Luis Jon Jon Ferrer IV.

Sa confirmation hearing ay inusisa ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang sentimyento ng ilang AFP officers sa bagong batas na Republic Act 11709 na nagtatakda ng fixed term sa chief of staff at iba pang matataas na posisyon sa AFP.


Inamin naman ni AFP Deputy Chief of Staff Vice Admiral Rommel Reyes na mayroong sektor sa officer at enlisted personnel corps na maapektuhan ng batas pero sinisikap na aniya ng AFP at Department of National Defense na klaruhin ang malalabong section ng batas sa binabalangkas na Implementing Rules and Regulations.

Sa deliberasyon ng kanilang kumpirmasyon ay kinilala naman ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., ang hindi matatawarang dedikasyon at serbisyo ng AFP katuwang ang Philippine National Police (PNP) sa tagumpay ng katatapos na eleksyon.

Sabi ni Revilla, isa ito sa dahilan kaya malaki ang bilang ng mga bumoto at mababa ang bilang ng election-related incidents.

Pinuri naman ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, ang mahusay na pagtupad sa tungkulin ng 17 senior officers ng AFP at ang kanilang mga mabubuting nagawa sa mga komunidad kung saan sila naitalaga.

Facebook Comments