
Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) na ligtas ang 17 Pilipinong tripulante ng MV Magic Seas, na isa sa dalawang barkong inatake ng Houthi Rebels sa Red Sea.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DMW Sec. Hans Leo Cacdac na inaasahang darating sa bansa ang mga nasabing tripulante bukas, July 11.
Ang detalye ng kanilang flight ay nakatakdang ibahagi ng DMW sa media para ma-update ang publiko sa kanilang pagdating.
Ayon pa kay Cacdac, iniutos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabibigyan ng sapat na tulong ang mga biktima at ang pamilya nito, kabilang ang medical, legal, at tulong pinansyal.
Bahagi aniya ng standing directive ng Pangulo na dapat tiyakin ang ganap na proteksiyon para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), lalo na ang mga marinong Pilipino.









