
Pinagkalooban ng provisional release o pansamantalang kalayaan ng Qatari government ang 17 Pilipinong na-detain sa Qatar dahil sa iligal na political demonstration noong kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inanunsyo ni Department of Migrant Workers o DMW Secretary Hans Leo Cacdac sa Malacañang press briefing ngayong hapon.
Ayon kay Cacdac, unang pinalaya ang 12 lalaking Pilipino kaninang alas-2:00 ng umaga, oras sa Qatar, habang pinalaya ang limang babae bandang alas-4:00 ng umaga.
Wala namang kasong isinampa laban sa mga Pilipino ngunit magpapatuloy ang imbestigasyon.
Kasamang inaresto noon ang tatlong menor de edad na una na ring pinalaya ng mga awtoridad.
Paliwanag ng kalihim, ang pagpapalaya sa mga naturang Pilipino ay bunga ng direktiba ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., na tiyakin ang agarang pagpapalaya sa mga kababayan at pagbibigay ng legal at welfare assistance sa mga nasabing Pilipino.
Nagpasalamat ang gobyerno sa pamahalaang Qatar para sa pansamantalang kalayaan ng OFWs.