17 pulis-Caloocan na kasama sa isinagawang ‘Oplan Galugad’ noong Agosto 16, hiningan na ng counter affidavit ng PNP-Internal Affairs Service

Manila, Philippines – Hiningan na ng counter affidavit ng Philippine National Police-Internal Affairs Service ang 17 pulis-Caloocan na kasama sa ‘Oplan Galugad’ noong Agosto 16.

Ayon kay PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo, hiningan na rin nila ng report ang mga sangkot na pulis tungkol sa mga pahayag ng testigo kasama ang kanilang mga ebidensiya.

Aniya, tinanong din ng PNP-IAS kung ano ang naging partisipasyon ng mga pulis sa isinagawang operasyon.


Tiniyak ni Triambulo na rerebyuhin nila ang mga counter-affidavit ng mga pulis at kung makitaan nila ito ng probable cause, pormal silang magsasampa ng kasong administratibo sa susunod na linggo.

Una nang nakitaan ng PNP-IAS ng mga paglabag sa police operational procedures ang operasyon.

Samantala, humingi rin ng kopya ng counter-affidavit ng mga testigo si Triambulo sa Public Attorney’s Office at kay Sen. Risa Hontiveros para maisama ang mga ito sa pagsusumite nila ng dokumento para sa pormal na pagdinig sa kaso.

Facebook Comments