Tuesday, February 3, 2026

17 taong gulang na babae, naaresto matapos ibenta ang kanyang 1 buwang gulang na anak sa halagang P55,000

Naaresto ng Philippine National Police Women and Children Protection Center ang isang 17 taong gulang na babae matapos ibenta nito ang 1 buwang gulang nitong sanggol sa halagang 55 libong piso .

Ayon kay WCPC Chief Brig. Gen. Maria Sheila Portento, nadiskubre ng pulisya ang social media post ng nasabing teenager na nagbebenta ng sanggol sa inisyal na 50 libong piso.

Dahil dito nagsagawa ng operasyon ang kapulisan noong Martes sa isang fast food restaurant sa Quezon City para dito arestuhin ang nasabing babae.

Napag-alaman ng pulisya na gagamitin umano na pangbayad sa tuition ang pinagbentahan ng kanyang anak.

Dahil menor de edad, sya ay nasa protective custody na ng Social Services Development Department bilang Child in Conflict with the Law kasama ng kanyang sanggol na nasa pangangalaga rin ng nasabing departamento.

Kaugnay nito, maaaring maharap ang nasabing suspek sa paglabag sa “Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012,” at “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.”

Facebook Comments