Ang mga nagtapos na pulis ay kabilang sa PSBRC RTC2 Batch 2021-02 “SANDATAG” na pinangunahan ni Patrolman Jarom Tuddao na nakakuha ng 91.62% mula sa academic at non-academic requirements.
Pumangalawa si Pat. Jaymar Garma na may 91.24% at pang Top 3 naman si Pat. Joseph Abbe Osio na nakakuha ng 91.20%. Sa ating panayam kay PMaj.
Ricson Guiab, Assistant Chief ng Training Center 2, mula sa bilang na 172 na nag-take oath noong Nobyembre 2021, nasa 170 na lamang ang natira matapos na lumabag sa mga panuntunan ang isang police trainee habang ang isa naman ay hindi nakapag-comply sa mga requirements.
Ayon kay Guiab, inabot aniya ng halos isang taon ang ginugol na training ng mga bagong pulis matapos itong suspendihin ng tatlong buwan sa lahat ng Training Center sa bansa.
Naging hamon naman sa kanilang pagtuturo at pagsasanay ang nararanasang pandemya kung saan sumailalim din ang mga trainee sa blended learning para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Gayunman, sapat naman na naituro sa mga trainee ang kanilang mga dapat matutunan na kanilang maiaapply sa kanilang paggampan ng kanilang tungkulin at pagbibigay serbisyo publiko.
Samantala, nagsilbing panauhing pandangal si Regional Director ng Police Regional Office si PBGen Steve Ludan sa pamamagitan ng kanyang representative na si PCol. Jovencio S. Badua.
Sa mensahe ni PBGen Ludan, pinayuhan nito ang mga bagong pulis na dalhin sa kanilang paglabas ang mga magagandang itinuro ng RTC 2 at magsilbing inspirasyon sa kapwa.
Binalaan din ng opisyal ang mga nagsipagtapos na huwag gumawa ng mga bagay na ikasisira ng imahe ng Philippine National Police (PNP) kundi gumawa ng ikabubuti ng komunidad.
Ipapakalat naman sa bawat yunit ng pulisya sa rehiyon dos ang mga bagong pulis na magsisilbing karagdagang pwersa ng kapulisan sa buong Lambak ng Cagayan.