Nananatiling zero ang COVID infections sa 172 mga barangay sa lungsod ng Maynila simula nitong September 1 bilang resulta ng kanilang mahigpit na pakikipagtulungan sa mga alituntuning ipinapatupad ng pamahalaang lokal.
Umaasa si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na mapapanatili ng nabanggit na mga barangay ang kawalan ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Mayor Isko, bilang gantimpala ay tatanggap ang nabanggit na mga barangay ng tig-100,000 pesos kapag nanatili silang COVID free sa loob ng dalawang buwan o hanggang sa katapusan ng Oktubre.
Ang pagbibigay ng insentibo sa mga zero COVID barangay ay bahagi ng mga programa ng pamahalaang lokal para maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.
Kinabibilangan din ito ng pinag-ibayong mass testing, pagpapahusay sa healthcare facilities sa lungsod, pagsuporta sa medical frontliners at pagsasagawa ng epektibong contact tracing.