1,730 indibidwal, inilikas sa Valenzuela

Aabot na sa 1,730 indibidwal ang nailikas sa Valenzuela City sa buong magdamag kasabay ng matinding pag-ulan dulot ng Bagyong Ulysses.

Sa District 1 ay aabot sa 1,079 na mga indibidwal ang nailikas habang 651 indibidwal naman sa District 2.

Karamihan sa mga residenteng nailikas ay nananatili muna sa mga paaralan, covered courts at barangay halls.


Mula kahapon ng hapon ay nasimulan na ang preemptive evacuation sa Valenzuela kaya maagap ding nailigtas ang mga residente bago pa man tumaas ang baha kagabi lalo na ang mga nakatira malapit sa ilog at mababang lugar.

Dumalaw rin ngayong tanghali si Valenzuela Mayor Rex Gatchalian sa mga evacuee na nasa Valenzuela National High School sa Barangay Marulas upang tingnan ang lagay ng mga residente.

Binigyan ng comfort pack, hygiene kits at pagkain ang mga evacuee.

Kaniya-kaniya rin mga tents ang inilikas at tiniyak na magkakalayo sa bawat pamilya upang matiyak ang social distancing.

Samantala, sinimulan na rin ng lungsod ang kanilang clearing operation sa McArthur Highway, Malinta at iba pang mga kalsada kung saan maraming puno ang bumagsak at ilang bahay ang nasira ang mga pader at bahagyang gumuho dahil pa rin sa lakas ng ulan.

Facebook Comments