Tinanggap ng 174 na kwalipikadong octogenarians at nonagenarians sa bayan ng Mangaldan ang tig P10,000 cash assistance mula sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) Regional Office I.
Kabuuang Php 1.74 milyon ang ipinamahagi bilang bahagi ng pagpapatupad ng Republic Act No. 11982 o Expanded Centenarian Act.
Kinilala ng lokal na pamahalaan ang suporta ng NCSC na layuning palakasin ang pangangalaga at pagbibigay-tulong sa mga nakatatanda sa bayan.
Ayon sa Office for Senior Citizen’s Affairs, mga senior citizen na umabot sa edad na 80, 85, 90, at 95 mula Marso 17 hanggang Hunyo 30, 2024 ang benepisyaryo ngayong taon. Ang mga benepisyaryo naman ngayong taon ay umabot sa mga nasabing edad mula Abril hanggang Hunyo.
Target naman na maipamahagi na ngayong Disyembre ang natitirang ayuda sa mga kwalipikadong benepisyaryo mula Hulyo hanggang Disyembre 2024 at 2025.









