Planong makipagnegosasyon ng pamahalaan para sa 178 million doses ng COVID-19 vaccine para sa 92 milyong Pilipino.
Matatandaang orihinal na plano ng gobyerno na bumili ng 148 million doses ng COVID-19 vaccines para sa 70 milyong Pilipino.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez, balak ng gobyerno na kumuha pa ng karagdagang supply dahil sa pagkakaantala sa paggawa at paghatid ng mga bakuna.
Ang mga bakuna ay magmumula sa AstraZeneca, Pfizer, Novavax, Moderna, Johnson & Johnson at Sinovac.
“We have negotiated for 92 million kasi nababasa natin sa dyaryo may mga slippage, may delay in delivery. There is delay in Europe, in the US so to be safe, we are negotiating more than what we need of 70 million,” ani Dominguez.
Dagdag pa ni Dominguez, inaasahan nang magkakaroon ng delay pero hindi ito galing sa Pilipinas.
Sa ngayon, mayroong tatlong approach ang pamahalaan sa pagbili ng bakuna, ito ay sa pamamagitan ng multilateral agencies, partnership sa pribadong sektor at partnership sa Local Government Units (LGUs).
Sa ilalim ng multilateral approach, uutang ang pamahalaan ng $1.38 billion mula sa foreign lenders mula sa Asian Development Bank (ADB), World Bank (WB), at Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB).
“This will fund a total of 106 million doses of vaccines with the value of US $1.2 billion plus we have 40 million doses of vaccines under COVAX. Our contribution to COVAX is only $84 million,” sabi ni Dominguez.