18-anyos sa US, arestado matapos magbantang ikakalat ang COVID-19

via Facebook/Carrollton Texas Police Department

Nasa kustodiya na ng pulisya ang isang 18-anyos na babae sa Texas, USA, na nag-post sa social media na sinasadya niya umanong ikalat ang COVID-19.

Nag-viral ang Snapchat video ng kinilalang si Lorraine Maradiaga, kung saan sinabi niyang hahawaan niya ang mga tao sa supermarket na kinaroroonan niya.

“I’m here at Walmart about to infest every m**********r, because if I’m going down, all you m***********s are going down,” saad niya sa video habang umuubo.


Sumuko si Lorraine Maradiaga sa awtoridad nitong Martes, makalipas ang dalawang araw na laman siya ng mga balita, ayon sa ulat ng KWTX.

Ayon sa Carrollton police, sinabi ni Maradiaga na hindi totoong positibo siya sa coronavirus, ngunit wala pang pruweba rito ang awtoridad.

Dinala sa Denton County Jail ang dalagita na nahaharap sa reklamong terroristic threat na isang third-degree felony.

Bukod sa piyansang $20,000, inatasan din si Maradiaga na sumailalim sa self-quarantine nang 21 araw sa oras na makalaya.

Facebook Comments