Inaresto ang isang 18-anyos na lalaki matapos magsabit ng donut sa patpat at iwasiwas sa harap ng mga pulis sa Washington, USA.
Nadakip si Benjamin Hansen sa gitna ng isinasagawang rally ng kapulisan noong Hulyo 17, kung saan kasama ang binatilyo sa grupong kontra sa naturang pagtitipon ng awtoridad, ayon sa ulat ng The Everett Herald.
Habang nananatiling malayo ang grupo sa pro-police rally, tumawid umano si Hansen sa kabilang kalsada sakay ng kanyang skateboard para asarin ang mga pulis gamit ang donut.
Sa parehong ulat, itinulak umano ng officer na si James Simoneschi ang nanunuksong binatilyo at sinabihang umalis.
Kalmado namang tinanong ni Hansen ang pangalan at badge number ng grupo ng pulis, pero walang sumagot at inakay lang ni Simoneschi ang binatilyo palayo.
Kalaunan, dinala sa kulungan ang binatilyo na inireklamo ng pulis ng fourth-degree assault, ngunit nakalaya rin matapos magpiyansa ng $1,000 (P49,000).
Hindi naman daw ito ang unang beses na nagkaroon ng problema si Hansen laban sa awtoridad.
Noong Enero nakaraang taon nang inaresto rin ang binatilyo sa third-degree assault matapos ambahan ang isang pulis habang nasa ospital dahil sa umano’y alcohol overdose.