18-anyos na umano’y Drug Dealer, Timbog; Nakumpiskang Shabu, Umabot sa P200,000

8

Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang binata na umano’y drug dealer at kabilang sa Street Level Individual matapos ang ikinasang buy-bust operation ng mga otoridad dakong 6:35 kagabi sa Maharlika Highway Barangay 2, Enrile,Cagayan.

Base sa report ng PNP Enrile, nakilala ang suspek na si alyas Jayson, 18-anyos at residente ng Lacnog, Tabuk City, Kalinga.


Naaktuhan umanong nabentahan ng suspek ng isang (1) pakete ng hinihinalang shabu ang operatiba na nagpanggap na poseur buyer habang ang kasamahan nito na drayber ng motorsiklo ay kaagad namang tumakas patungo sa timog direksyon.

Nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang tatlong piraso ng P1,000-peso bill na ginamit bilang buy-bust money; 15 piraso ng big heat-sealed plastic sachet ng shabu; 36 piraso ng small heat-sealed sachet ng shabu at umabot sa kabuuang halagang P200,000 maging ang kanyang cellphone at bag ay kinumpiska rin.

Resulta umano ng pinaigting na Intelligence report ng Provincial Intelligence Unit/PDEU ang naging dahilan ng pagkakahuli sa suspek.

Nahaharap ang binata sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



Facebook Comments