Na-rescue ng mga tauhan ng Naval Forces Western Mindanao ang 14 na crew ng bangka at apat nilang pasahero matapos na lumubog ang kanilang sinasakyang motor launch “Queen Shaima 3”.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command Spokesperson Lt. Col. Alaric Avelino delos Santos, isang residente ng Tubig Putih, Luuk, Sulu na si Reymar Wee ang tumawag sa Naval Task Group Sulu para ipaalam na lumulubog ang pampasaherong bangka sa karagatang sakop ng Lampinigan Island, Isabela City, Basilan pasado alas-4:00 ng madaling araw kahapon.
Sa ulat nabutas ang bangka dahil sa lakas ng alon kaya pumasok ang tubig sa bangka at tuluyang lumubog.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Naval Forces Western Mindanao kaya na-rescue ang mga crew at mga pasahero na kinilalang sina Angelica Sali, 19, Angel Enriquez, 21, Jasmin Loyola, 19, at Erlin Moran, 19.
Matapos ma-rescue ay dinala ng Philippine Navy ang mga nailigtas sa Philippine Coast Guard.