18 GRAMO NG PINAGHIHINALAANG SHABU, NASAMSAM SA BUY-BUST OPERATION SA STA. MARIA, ILOCOS SUR

Arestado ang isang 31 anyos na lalaki matapos masamsam ang humigit-kumulang 18 gramo ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad.

Isinagawa ang operasyon mula alas-5:30 ng hapon hanggang alas-8:55 ng gabi sa bayan ng Sta. Maria, Ilocos Sur sa pangunguna ng Ilocos Sur Police Drug Enforcement Unit (ISPDEU), katuwang ang Sta. Maria MPS, Santa MPS, ISPIU, PDEG SOU1, PDEA ISET, 103rd Maneuver Company ng RMFB1, at RPDEU1, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1 (PDEA RO1).

Kinilala ang suspek bilang isang lalaki at residente ng Sta. Maria, Ilocos Sur. Siya ay inaresto matapos umanong magbenta ng ilegal na droga sa isang operatibang pulis na nagpanggap bilang buyer.

Nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang 18 gramo ng hinihinalang shabu na may kabuuang Standard Drug Price na ₱122,400.00. Bukod dito, narekober din ang iba pang ebidensiya tulad ng isang improvised scoop na gawa sa puti at transparent na plastic straw, apat na piraso ng machine-copied na ₱1,000 bill at iba pang ebidensya.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon para sa pagsasampa ng kaso. Patuloy naman ang kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga sa lalawigan ng Ilocos Sur.

Facebook Comments