18 lugar sa bansa ang tinukoy ng Mines and Geosciences Bureau ng DENR na kinakitaan ng mataas na panganib ng pagguho ng lupa.
Kabilang sa 18 mga lugar ay ang Benguet, Mountain Province, Abra, Nueva Vizcaya, Davao Oriental, Ifugao, Aurora, Apayao, Quirino, Kalinga. Camiguin, Southern Leyte, Sarangani, Siquijor, Quezon, Bukidnon, Romblon, at Negros Oriental.
Ang babala ng MGB ay kasunod pa rin ng magnitude 6.3 na lindol na tumama sa Mindanao noong Miyerkules.
Ayon kay MGB Director Atty. Wilfredo Moncano, ang pagkamatay na dulot ng anumang natural disaster ay mababawasan kung hindi man maiiwasan sa pamamagitan ng preparasyon at tamang pagpapakalat ng impormasyon.
Ginawang halimbawa ni Moncano ang Japan na isang bansang ‘highly-prepared’ pagdating ng isang kalamidad pero marami pa rin ang namatay nang hagupitin ng bagyong hagibis kamakailan.
Paliwanag ng MGB, handa silang tumulong sa mga LGUs pagdating sa paghahanda para sa mga geohazards na gaya ng landslides at mudslides.