CAUAYAN CITY – Labing-walong mag-aaral mula sa Bukig Elementary School sa Barangay Camandag, Asipulo, Ifugao ang nakatanggap ng pamaskong handog mula sa hanay ng Asipulo Municipal Police Station.
Pinangunahan ni PLT Rommel Bayaona, Officer-in-Charge ng Asipulo Police Station, ang naturang aktibidad kung saan ang mga benepisyaryo ay nabigyan ng mga regalo na naglalaman ng gamit sa eskwela, lunch box na may tumbler, payong, tsinelas, at damit.
Ayon kay Police Senior Master Sergeant Noemi Tayaban, ang programa ay bahagi ng layunin ng Philippine National Police (PNP) na makatulong sa mga barangay na kabilang sa Enhanced Local Community Armed Conflict (ELCAC). Ang bayan ng Asipulo ay isa sa mga lugar na kabilang sa programang ito.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga guro at magulang ng mga mag-aaral na tumanggap ng handog, na kanilang itinuturing na malaking tulong lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan.
Ang naturang aktibidad ay patunay ng malasakit ng PNP sa mga komunidad, na hindi lamang nakatuon sa seguridad kundi pati na rin sa pagbibigay ng suporta at inspirasyon sa mga kabataan.