
Nagsampa ng mga kasong kriminal si dating Senador Antonio Trillanes IV laban kina Atty. Levito Baligod, dating Kongresista Mike Defensor, broadcaster Jay Sonza, dating NTF-ELCAC Spokesperson Lorraine Badoy, vlogger Cathy Binag, at labingwalong indibidwal na tinukoy na “ex-marines” kaugnay ng umano’y gawa-gawang International Criminal Court o ICC bribery scheme.
Ayon kay Trillanes, bahagi umano ito ng planong idawit siya sa isang pekeng bribery scandal na kinasasangkutan ng mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC).
Kabilang sa mga kasong inihain laban kay Atty. Baligod ang cyberlibel at paglabag sa batas na Incriminating an Innocent Person dahil sa umano’y magkasalungat at mapanirang pahayag kaugnay ng sinasabing dalawang milyong dolyar na cash transfer at akusasyon ng kidnapping.
Habang sina dating Cong. Defensor, Sonza, Badoy at vlogger na si Binag ay kinasuhan din dahil sa umano’y papel sa pagpapalaganap ng naturang mga alegasyon.
Nahaharap naman sa kasong perjury ang 18 indibidwal na nagpakilalang “ex-marines” dahil sa umano’y pagbibigay ng maling testimonya kaugnay ng isyu.
Iginiit ng dating senador na layunin ng mga alegasyon na sirain ang kanyang reputasyon at pahinain ang mga proseso kaugnay ng imbestigasyon ng ICC.










