Naipasara na ng National Authority for Child Care (NACC) at Philippine National Police (PNP) ang 18 sa 23 na social media accounts na nasa likod ng bentahan ng mga sanggol online.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni NACC Domestic Administrative Division Chief Imelda Ronda, sa limang natitirang accounts, tatlo rito ang bumalik habang dalawa ang mga bagong bukas pa lamang.
Bukod pa aniya ito sa 500 social media accounts na tinukoy ng Department of Justice (DOJ) na sangkot sa kaparehong iligal na gawain.
Tiniyak naman ni Ronda na patuloy silang nakikipagtulungan sa PNP para mapasara ang mga social media account na ito.
Gayunpaman, aminado ang NACC na madali lamang gumawa ng bagong account sa ilalim ng bagong pangalan kaya kailangan talaga aniyang patuloy na ma-monitor ang mga nasa likod ng bentahan ng sanggol online.