Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Gamboa na may 183 police recruits sa isang kampo sa Lucena ang sabay-sabay na nagpositibo sa COVID-19 sa loob lamang ng 10 araw.
Aniya, ang 183 police recruits ay kabilang sa 350 police recruits na nagsasagawa ng training sa Lucena.
Hiniwalay na ang 183 police recruits na infected ng virus at sumasailalim na sa 14-day quarantine bago muling isailalim sa swab testing para matukoy kung gumaling na o hindi pa sa virus.
Sa ngayon, para maiwasan ang pagkahawa-hawa ng virus, bawat tent ay apat na police recruits na lamang ang ino-occupy mula sa dating tigsa-sampu.
Habang hindi na muna buffet ang pagkain ng police recruits, sa halip hiwa-hiwalay na ang distribution ng pagkain at hindi na rin dikit-dikit kapag nagdya-jogging.
Online na rin ang paraan ngayon ng mga instructor sa pagtuturo sa police recruits.
Tiniyak naman ni Gamboa na walang nahawa sa labas ng kampo dahil lahat ng police recruits ay hindi nakakalabas ng kampo sa buong panahon ng kanilang training.