Umaabot sa higit ₱90 milyon na halaga ng smuggled na bigas ang nadiskibre ng Bureau of Customs (BOC) sa Antonio Rivera St. at Dagupan St., Tondo, Maynila.
Ayon kay Customs Commissioner Bien Rubio, nasa ₱90.2 milyon o 36,086 sako ng imported na bigas mula sa Vietnam, Thailand, at Myanmar ang kanilang nakita sa mga nasabing warehouse.
Sinabi ni Rubio, ikinasa nila ang operasyon base sa direktiba ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang anti-smuggling at anti-hoarding ng bigas sa bansa.
Aniya, sisiguraduhin ng BOC na sunod-sunod na ikakasa ang operasyon bilang parte na rin ng pagsisikap ng gobyerno na ibaba ang presyo ng bigas sa merkado.
Ito’y sa ilalim na rin ng Executive Order No. 39 ni Pangulong Marcos Jr. na nagtatakda ng P41.00 sa presyo ng kada kilo ng regular milled rice at ₱45.00 naman sa well-milled rice.
Kabilang pa sa mga nadiskubre ay mga imported miscellaneous goods na nasa ₱310 milyong halaga.
Ilan sa mga ito ay children’s toys, cosmetics, kitchenware, household wares, videoke machine, fabrics, cosmetics, pharmaceutical products, shoes, apparel, at general merchandise.
Pansamantalang isinara ang mga warehouse habang patuloy ang imbentaryo sa mga nadiskubreng mga gamit ng tauhan ng BOC.