Nagpatawag nang pagpupulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Malacañang bago umalis patungong Jakarta, Indonesia para dumalo sa 43rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit at related summits.
Sa pagpupulong na dinaluhan ng ilang representante mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, inilatag ang mga paraan para matulungan ang mga retailer ng bigas kaugnay sa ipatutupad na price ceiling sa bigas simula bukas.
Ilan sa planong gawin ng pamahalaan ay ang pagbibigay ng financial assistance sa mga retailer ng bigas sa wet market at sari-sari stores.
Plano rin na bigyan ng loan programs ang mga rice retailers at maging logistic support katulad ng pagta-transport ng kanilang mga panindang bigas mula sa mga local rice farmers, palengke, supermarket gamit ang sasakyan ng gobyerno.
Mayroon ding planong Kadiwa-Diskwento Caravan para sa mga rice retailers.
Bukod dito, may proposal din si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na pangkabuhayan assistance o itong Sustainable Livelihood Program (SLP) para sa mga small-scale rice retailers at planong social safety net para sa mga apektadong rice retailer.