Tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na sapat ang suplay ng tubig sa Metro Manila sa pagpasok ng matinding El Niño sa huling bahagi ng taon.
Ito ay kung maaabot ang target na 210 meters elevation level ng Angat Dam.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Engr. Patrick Dizon, Division Manager ng MWSS na inaasahan ang sapat na suplay ng tubig sa Metro Manila kahit pa sa pagtama ng matinding El Niño sa 4th quarter ng taon hanggang 2nd quarter ng 2024.
Aniya, sapat ang tubig sa Angat Dam sa ngayon matapos ang dalawang linggong mga pag-ulan dulot ng Bagong Egay at habagat.
Nadagdagan aniya ng 21 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam dahil sa mga pag-ulan.
Sa kasalukuyan aniya ay naitala ang 199.9 meters na lebel ng Angat Dam, mataas aniya ito kung ikukumpara sa naitala noong isang taon sa parehong panahon.
Kaugnay nito, wala pa aniyang panibagong hiling para bawasan pa ang alokasyong inilalabas mula sa Angat Dam na sa ngayon ay nasa 48 cubic meters per second.
Mayroon pa kasi aniyang nagagamit pang tubig galing sa watershed ng Angat dahil may mga pag-ulan pa ring nararanasan.
Kung meron man aniyang water service interruption na nararanasan sa kasalukuyan mula sa dalawang water concessionaires, ito ay sa regular nilang maintenance activities para mas maging maayos ang serbisyo.