Pagdami ng mga Chinese dredging vessel sa mga ilog sa Zambales, paiimbestigahan ni Sen. Estrada

Ipasisilip ni Senator Jinggoy Estrada ang pagdami ng mga Chinese dredging vessels na naghuhukay sa mga ilog sa lalawigan ng Zambales.

Kaugnay na rin ito ng pagkabahala ni Estrada na 14 o higit pang mga vessels na may mga Chinese crew ang naghuhukay sa Bocao river sa bayan ng Botolan, sa Maloma river sa San Felipe at Sto. Tomas River sa lalawigan ng Zambales.

Lumabas sa report na ang mga nahukay mula sa naturang mga ilog ay idinadala sa reclamation areas sa Pasay City at sa Bulacan kung saan itatayo ang paliparan.


Paliwanag ni Estrada ang naturang aktibidad ay nakakabahala para sa mga residente ng Zambales at ang magiging epekto nito sa kabuhayan ng mamamayan na umaasa lamang sa pangingisda.

Aniya ang isinagawang dredging activities sa lugar ay makakaapekto sa ecosystem na dapat na agarang maimbestigahan bago masira ng tuluyan at maapektuhan ang kabuhayan ng mamamayan ng lalawigan ng Zambales.

Facebook Comments