Nagtitipid sa paggastos ang Office of the Ombudsman upang magkaroon ng dagdag pang pondo para sa pagpapalakas sa information technology o IT capability nito.
Sa budget hearing na isinagawa ng House Committee on Appropriations ay sinabi ni Ombudsman Samuel Martires na nadiskubreng na-hack ang kanilang computer system ngayong taon kaya alam ng mga respondent ang estado ng kanilang mga kaso.
Binanggit ni Martires na dalawang empleyado ng management information system ang nasa preventive suspension ngayon kaugnay nito.
Bunsod nito ay inihayag ni Martires na bukod sa dagdag na mga abogado ay kailangan din ng Ombudsman ng dagdag na mga tauhan sa IT division.
Ayon kay Martires, kaugnay nito ay plano rin nilang bumili ng hardware para sa IT at ang software ay magmumula pa sa ibang bansa kaya kasamang babalikatin ng Office of the Ombudsman ang pagbiyahe ng mga eksperto dito sa Pilipinas.