Nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na patuloy na ipagtatanggol ang teritoryo ng bansa laban sa China.
Ito ay matapos ang ginawang paglalagay ng floating barrier o boya ng Chinese Coast Guard (CCG) sa bahagi ng karagatang sakop ng Bajo de Masinloc.
Ayon sa pangulo, umiiwas sa gulo ang Pilipinas pero matibay aniya ang paninindigan ng gobyerno sa pagdepensa sa mga teritoryo ng Pilipinas.
Sinabi ng pangulo na magpapatuloy ang pangingisda sa lugar ang mga Filipino fishermen dahil sakop ang Bajo de Masinloc ng Pilipinas.
Sa katunayan, ayon sa pangulo mula nang inalis ng Philippine Coast Guard (PCG) ang boya, nakakahuli ang mga Pilipinong mangingisda ng 164 tons ng isda kada araw.
Ayon sa pangulo, ito ang nawala sa mga mangingisda nang maglagay ng floating barrier ang CCG sa Bajo de Masinloc.
Sa kabila naman ng paninindigang ipagtanggol ang teritoryo ang bansa, sinabi ng pangulo na idadaan pa rin ng gobyerno sa diplomatic action ang patuloy na pangha-harass ng China.