Walang babaguhin ang Philippine Army (PA) sa kanilang Standard Operating Procedures (SOP) pagdating sa paghawak ng mga nagbabalik loob na mga rebelde.
Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad, noong mga nakalipas na panahon ay kaparehong SOP din ang kanilang pinapairal at naging matagumpay naman.
Sa katunayan, libu-libong mga dating rebelde mula sa hanay ng New People’s Army (NPA) ang nagbalik-loob sa pamahalaan na naging matagumpay kung saan katuwang nila ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, mga Local Government Units (LGUs) at iba pa.
Nataon lamang at bumaliktad ang dalawang aktibista na sina Jhed Tamano at Jonila Castro at sinabing sila ay dinukot at hinarass ng militar.
Samantala, ayon naman kay National Task Force to End Local Communist and Armed Conflict (NTF-ELCAC) Executive Director Usec. Jun Torres, nagkaroon ng epekto ang ginawa ng dalawang aktibista kung kaya’t magkakaroon sila ng pagbabago sa pagsasapubliko ng mga sumusukong rebelde.
Una nang sinabi ng NTF-ELCAC na wrong move ang ginawa nilang pagpepresenta sa mga aktibista sa publiko.