Pinaghahanda ni Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., ang gobyerno sa nagbabadyang banta ng La Niña sa bansa.
Kaugnay na rin ito sa itinaas na La Niña watch ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inaasahang magdadala ng maraming pag-ulan sa bansa.
Ayon kay Revilla, Chairperson ng Senate Committee on Public Works, marami nang isinagawang pagdinig tungkol dito ang kanyang komite at nananawagan siya partikular sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maghanda sa banta ng La Niña.
Giit pa ng senador, dapat ay natuto na ang bansa at maging proactive at hindi reactive sa mga ganitong weather phenomenon.
Ngayon pa lamang aniya ay dapat hinuhukay na ang mga natabunang ilog upang hindi mauwi sa pag-apaw ng tubig at pagbaha kapag lumakas ang ulan.
Mahalaga aniya na palaging handa at laging isaisip ng mga ahensya na ang ating vulnerability sa mga kalamidad ay palaging maging paalala na dapat handa tayo na harapin ang anumang weather conditions na mararanasan ng bansa.