Nakatakdang lumipad sa United States para sa kolehiyo ang Grade 12 student mula sa Tacloban matapos makatanggap ng scholarship mula sa prestihiyosong Massachusetts Institute of Technology (MIT).
Abot-kamay na ng 19-anyos na si Hillary Diane Andales ang hinahangad na degree sa Physics, at makapag-ambag sa pagpapabuti ng science communication sa bansa na mas nakitaan niya ng kahalagahan nang tumama sa kanilang lugar ang bagyong Yolanda noong 2003.
Kuwento ni Andales, nadismaya siya sa sarili niya noong tumama ang kalamidad, dahil maski siya na interesado sa siyensya ay hindi alam kung ano ang storm surge.
Aniya kung mas simple lang o naipaliwanag ang scientific jargon noong kasagsagan ng Yolanda, baka sakaling marami pa ang nakaligtas sa sakuna.
Bukod sa kalamidad, marami pa aniyang pagkakataon na mahalaga ang science communication gaya sa usapin ng gamot o bakuna.
Nakatanggap si Andales ng pitong scholarship offers matapos magwagi sa 2017 Breakthrough Junior Challenge ang 3-minutong video niyang nagpapaliwanag sa Theory of Relativity ni Albert Einstein.
Kasunod ng pagkapanalo, nag-uwi rin si Andales ng $300,000 suportang pinansyal mula sa MIT.
Sa ngayon, ginagamit ni Andales ang kaniyang pagiging aktibo sa social media para sa pagbabahagi at pagpapalaganap ng science-related content.