19 Direct Contact ng OFW na Nagpositibo sa COVID-19 sa Echague, Negatibo sa Swab Test

Cauayan City, Isabela- Nagnegatibo sa isinagawang swab test ang 19 na may direct contact sa nagpositibong OFW mula sa Bayan ng Echague, Isabela.

Ayon sa pahayag ni Mayor Francis ‘Kiko’ Dy, sinabi nito na hinihintay na lang ang resulta ng walong (8) iba pa kabilang ang tatlong katao mula sa Santiago City na may direct contact din sa nasabing pasyente.

Aniya, sasailalim pa rin sa pangalawang swab test ang mga naunang nagnegatibo na sa virus para masigurong ligtas ang mga ito habang sumasailalim pa rin sa quarantine.


Gayunman, ikinalungkot naman ng alkalde ang impormasyon na kasama ang tatlong residente ng bayan na pawang mga OFW na kasama ng nagpositibong pasyente mula naman sa ibang probinsya.

Ito ay kasama sa mga napauwing manggagawa sa ilalim naman ng programa ng OWWA.

Samantala, inihayag nito na anumang araw ay babawiin ang ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine sa bayan sakaling magnegatibo ang lahat ng direct contact sa ilalabas na iba pang resulta ng DOH Region 2.

Facebook Comments