Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Mati City sa Davao Oriental na nasa 19 estudyante at 4 na guro ang tinamaan ng COVID-19 mula nang mag-umpisa ang pasukan noong Agosto 22.
Ayon sa Mati Incident Management Team (IMT), naitala ito sa walong paaralan sa barangay ng naturang lungsod na kinabibilangan ng Badas, Sainz, Matiao, Central, Lawigan, Dahican, Don Enrique Lopez at Don Salvador Lopez.
Mababatid na noong Agosto 30 nang naitala ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa isang paaralan pero itinuring din itong gumaling sa sakit noong Setyembre 6.
Mula naman nitong Sabado, nasa anim na aktibong kaso na lamang ang binabantayan sa mga paaralan kung saan kasama ito sa 30 active cases ng lungsod.
Ayon kay IMT Commander Der. Ben Hur Catbagan Jr., karamihan sa mga pasyente ay asymptomatic o walang sintomas at nagho-home quarantine.
Naiwasan umano ang matinding pagkalat ng virus dahil sa mabilis na ugnayan ng local government sa mga paaralan at komunidad.