
Inirekomenda ng Land Transportation Office (LTO) na madiskwalipika sa pagkuha ng driver’s license ang 19 na indibidwal, kabilang ang 9 na menor de edad na sangkot sa motorcycle race at exhibition sa bypass road sa San Rafael, Bulacan.
Kasunod na rin ito ng isinagawang pagdinig noong August 27 bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Transportation Secretary Vince Dizon na tugisin ang mga pasaway na motorista.
Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, na lumabas sa pagdinig na wala ni isa sa mga nasangkot ang may hawak na lisensya.
Inamin din ng mga magulang ng mga menor de edad na pinayagan nilang magmaneho ang mga bata dahil ito ang tanging paraan para makapasok at makauwi mula sa paaralan.
Natukoy rin na ilan sa mga motorsiklo ay walang plaka at hindi rehistrado.
Nahaharap ngayon ang mga sangkot sa mga kasong driving without license, hindi pagsusuot ng protective helmet, pagmamaneho ng motorsiklong walang plaka, at improper person to operate a motor vehicle.









