Kinasuhan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 19 na opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa kontrobersyal na “pastillas” scam.
Kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang isinampa ng NBI sa Ombudsman laban sa mga opisyal.
Pebrero nang isiwalat ni Senadora Risa Hontiveros sa Senado ang modus kung saan iligal na pinapapasok sa bansa ng ilang taga-BI ang mga Chinese workers kapalit ng P10,000 suhol.
Kasabay ng pagsasampa ng kaso, isinumite ng NBI ang mga ebidensya laban sa mga opisyal kabilang ang palitan ng viber messages sa pag-monitor ng pagpasok ng mga Chinese workers at nakuhang suhol; video ng mga Chinese na dinadala pa sa loob ng opisina mula sa Immigration counter at testimonya ng isang POGO worker na sinagip ng NBI matapos mabiktima ng human trafficking.
Kinasuhan din ang may-ari ng travel agency na nagtitimbre umano sa mga Immigration officer sa mga paparating na POGO workers.
Nabatid na nasa 194 POGO workers ang nakapasok dahil sa modus mula Enero hanggang Marso 2020 kung saan marami sa kanila ay nandito pa rin sa bansa.
Babala ni NBI Special Action Unit Chief Emeterio Dongallo, first batch pa lang ito ng kanilang mga kinasuhan dahil patuloy pa ang imbestigasyon sa iba pang tauhan at opisyal na kasabwat nila sa “pastillas” bribery scheme.
Ikinatuwa naman ni Hontiveros ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek.