19 na ospital sa NCR, 100% nang puno!

Isandaang porsiyento (100%) nang puno ang 19 na ospital sa National Capital Region (NCR) habang 80 iba pa ang 70% na ring okupado.

Batay ito sa dashboard ng Philippine Red Cross (PRC).

Pero ayon kay OCTA Research Team Fellow Dr. Michael Tee, hindi pa kasama rito ang mga COVID-19 patients na nasa emergency room.


“Pagka sinabi mon a 100% yan, in reality may mga pila yan na nasa bahay, may mga pila yan na nasa kalye ng emergency room. So yan yung sana mawala tulad ng nangyari nung May at june,” saad ni Dr. Tee sa interview ng RMN Manila.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Dr. Rene De Grano, presidente ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) na walang pasyente silang tatanggihan.

“Ang mga ospital naman po, lagi pong handa yan. Kapag may emergency, talagang tatanggapin naman po nila yan. Hindi po tatanggihan ng mga ospital habang may mga pasyente po, kahit sa tent ilalagay yan basta po emergency po,” pagtitiyak ni De Grano.

Sa usapin naman ng pagpapatupad ng granular lockdown, sinabi ni Dr. Tee na magiging epektibo lamang ito kung pulido rin ang suporta ng LGU sa mga maaapektuhan nito.

“Kapag ni-lockdown ang isang pamilya, dapat may tulong dahil kung hindi, papano kakain yan?”saad ng health expert.

“Hindi matatakot ang mga tao na manatili sa bahay at magsabing ‘dok, positive ho ako e’ kasi alam niya na kapag na-confine siya sa bahay, may magbabantay, pangalawa, meron siyang matatawagan.”

Facebook Comments