Ikinalugod ni Senator Risa Hontiveros na 19 sa mga senador ang suportado ang kanyang isinusulong na Sexual Orientation, Gender Identity and Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC) Equality bill.
Ang SOGIESC bill ay may layong tugunan ang lahat ng uri ng diskriminasyon at karahasan sa mga kabilang sa LGBTQIA+ community.
Ayon kay Hontiveros, sa isang araw lang ay 19 na mga senador ang nahikayat niyang pumirma sa committee report kaya naman mas nabuhayan siya ng loob dahil mas malaki na ang tsansang mapapagtibay na ang SOGIE Bill sa Senado.
Sa ilalim ng Committee Report No. 15 para sa Senate Bill 1600, ipagbabawal ang anumang uri ng diskriminasyon batay sa gender expression sa alinmang institusyon, organisasyon, grupo, at political parties.
Inirerekomenda ng komite na ang sinumang lalabag dito ay papatawan ng parusang P100,000 hanggang P250,000 o pagkakakulong ng hindi hihigit sa anim na taon
Ang mga tatanggi naman sa sinuman na magkaroon ng access sa anumang emergency health services dahil lang sa kanyang gender expression ay pagmumultahin ng mula P100,000 hanggang P300,000 o pagkakakulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon at apat na buwan.
Binigyang-diin din sa SOGIESC Equality bill na walang nakasaad sa batas na nagbabawal sa mga myembro ng LGBTQIA+ sa pagganap sa kanilang parental authority o academic freedom.