19 taong gulang pababa na tinamaan ng COVID-19 sa bansa, umaabot na sa mahigit 48,000

Umaabot na sa 48,411 ang mga batang 19 na taong gulang pababa na tinamaan ng COVID-19 sa bansa.

Ayon sa Department of Health (DOH), batay sa datos ng Philippine Pediatric Society, 40.2% dito ang may edad 15 hanggang 20 habang 23.8% ay nasa pagitan ng edad 10 hanggang 14.

Nasa 18.5 % naman ang mga sanggol hanggang 4 na taong gulang na nagka-COVID at 17.4 percent ang mga may edad 5 hanggang 9 na taon.


Ayon kay Dr. Mary Ann Bunyi ng Philippine Pediatric Society, karamihan sa mga naospital na menor de edad ay may comorbidity kabilang na ang 89% na na-admit sa National Children’s Hospital, 84% sa Philippine Children’s Medical Center, at 58% sa Philippine General Hospital.

Nasa 50% naman ng naospital na mga bata sa East Avenue Medical Center dahil sa COVID-19 ay may nauna nang kondisyong medikal, gayundin ang 36% na-confine sa San Lazaro Hospital at 20.8% sa Dr. Jose Rodriguez Hospital

Kabilang sa mga kondisyon ng mga batang naospital dahil sa COVID-19 ay may kinalaman sa neurologic o problema sa nervous system, problema sa bato at hematology o sakit sa dugo.

Facebook Comments